BFF April Gay Manantan, BS Environmental Science, Nueva Vizcaya State University
“Sabi nga nila: ang magtanim ay hindi biro, maghapong nakayuko. Tama nga sila ang magtanim ay hindi biro. Ngunit ang pagtatanim ng mga punla ay ang umpisa ng buhay. Buhay ng punla hanggang sa ito’y lumaki at lumago na siyang makakatulong sa ating buhay at pamumuhay sa mundo.”
Sa malayong bayan ng Diadi, isang probinsya sa Nueva Vizcaya, nakatira ang dalawang pamilya. Ang Pamilya Dela Rosa at ang Pamilya Dimagiba. Ang Pamilya Dela Rosa ay napapabilang sa mga pinakamayayamang tao sa lugar na ang pagputol ng mga kahoy sa kagubatan ang kanilang pangunahing hanap-buhay. Samantala, ang Pamilya Dimagiba naman ay napapabilang sa “isang kayod isang tuka” na ang pangunahing hanap buhay ay ang pagtatanim ng mga punla. Ang dalawang pamilya ay para bang may alitan sa isa’t isa dahil na rin sa pagkakaiba nila ng mithiin patungkol sa kagubatan.
Ngunit sadyang mapaglaro nga ang tadhana dahil magkaklase sina Anastasha Dela Rosa, isang maganda, mapanlait, at matapobreng dalaga, at si Nena Dimagiba isang maganda, matalino, mabait, masipag, at matulunging dalaga.
Sa unang araw ng pasukan…
“Hey girl, hindi naman ako na-inform na may basura pala sa school na ito. Like, paano nakapasok ang isang tulad niya sa private school na ‘to?” mayabang na sabi ni Anastasha.
“Oo nga, girl. Saan naman kaya nagnakaw ang nanay niya ng pambayad ng tuition fee niya rito? Alam naman nating lahat na nasa kulungan pa ang tatay niyan!” sagot naman ng kanyang matalik na kaibigan na si Mich.
“Hoy kayo! Anong problema niyo sa kaibigan ko, huh? Akala niyo magaganda kayo? Hindi! Dahil obvious naman na mas maganda siya kaysa sa inyo,” wika naman ni Devine ang pinakamatalik na kaibigan ni Nena.
“Bes, hayaan mo na sila, totoo naman eh na mahirap lang kami at nasa kulungan pa si tatay,” tugon naman ni Nena sabay yuko at mababakas ang kalungkutan sa kanyang mukha.
“Oh, ayun at inamin din. Kaya sinasabi ko na sa ‘ yo na hindi ka nararapat dito,” sabi ni Mich.
“Oo tama kayo! nasa kulungan nga si tito Berto pero hindi ba dahil ito sa kagagawan ng papa mo Anastasha?” sabay tingin ni Devine sa namumulang dalaga dahil narin sa pagkabigla. “At isa pa, makakapag-aral si Nena rito hangga’t kailan niya gusto dahil scholar siya,” dagdag pa nito.
Oo, tama ang narinig niyo. Si Mang Berto, ama ni Nena, ay kasalukuyang nasa piitan dahil siya ay nahuli sa salang pagpuputol ng mga kahoy sa kagubatan. Ngunit ang totoo ay na-set-up lamang siya sa kasalanang hindi niya naman ginawa at kailan ma’y hindi niya magagawa. Ito ay kagagawan lamang ni Mang Rosendo, ang ama ni Anastasha. Napag alaman ni Ginoong Dela Rosa na noong araw na iyon na pupunta ang mga kinatawan ng gobyerno sa lugar kung saan nagaganap ang operasyon ng kanilang negosyo na pagtotroso kaya naman dali-dali niyang kinausap ang isa sa kanyang mga katiwala na pababain ang kanyang mga tauhan upang hindi sila mahuli.
Gaya ng kagustuhan nito ay nagsibabaan ang kanyang mga tauhan at pinuntahan nga ng mga awtoridad ang nasabing lugar kung saan may nagaganap na iligal na pagtotroso. Ngunit ang hindi inaasahan ay saktong napadaan roon si Mang Berto na kagagaling lang mag tanim ng mga punong kahoy sa kabilang dako ng kagubatan. Noon pa man ay napagbintangan na siya na may kinalaman siya sa pagtotroso ngunit matapos niyang ipaliwanag ang lahat ay bahagyang papakawalan na sana siya ng bigla nila itong binawi dahil idinidiin na pala siya ni Mang Rosendo upang hindi siya mapagbintangan at nang may umako sa kanyang kasalanan. Iyon ang isa sa marami pang dahilan kung bakit magkaalitan ang dalawang pamilya.
Makalipas ang ilang linggo, sa loob ng silid aralan…
“Good morning. lass, kamusta kayo?” masayang bati ni Mrs. Vergara sa kanyang mga estudyante kaya dali-dali namang sumagot si Nena ng “Magandang umaga po, Ma’am. Ayos lang naman po kami.” sabay upo habang nakangiti.
Ngunit tila ba malaki talaga ang galit ni Anastasha. “Wait! What? Ayos lang? The who? You mean tayong lahat? Duh! Excuse me? Kung alam mo lang never akong naging okey dahil sa ‘yo.”
Sumagot naman agad si Devine at sinabing, “Hoy! Sumosobra ka na ah. Akala mo masaya kaming nakikita ka namin? Duh, kung gaano ka kadiskomportable sa kaibigan ko mas lalo pa kami sa ‘yo! Tse!”
Agad namang pumagitna ang guro at sinabing, “Stop it! Bangayan kayo nang bangayan. Hindi na kayo nagsawa. Araw-araw na lang ba kayong ganyan? Alam niyo students, paano niyo magagawa yung group projects niyo kung ganyan kayo?”
Ito ay ikinagulat nina Anastasha, Mich, at Devine. “Group project?”
“Yes, group project. At kayong apat ang magkakasama,” sabi nito.
“What? Ma’am hindi ba pwedeng sa iba na lang kami? Bakit kailangan ko pang makihalo sa mga amoy basura at – how can we call it again – P-R-E-S-O, as in preso? Ma’am naman, baka mahawa pa kami sa pagiging kriminal,” tugon muli ni Tasha.
“Tasha! Please, tama na,” tugon ni Nena. “Hindi kriminal ang tatay ko. Alam ko wala kang alam pero nasisiguro ko alam ng papa mo ang tungkol dun. Alam mo, tama si Devine sumosobra ka na at tama rin si ma’am sawang sawa na ako sa ganitong set up. Alam mo kung ano lang ang naging pagkukulang ko, namin? ‘Yun ay ang naging mahirap kami. At sorry dahil ang dami niyong nagagawa dahil sa pera niyo, mga bagay na hindi namin magawa. Oo, mahirap lang kami pero huwag niyo naman kaming palaging tapak-tapakan na lang dahil tao rin kami. Lagi mong tandaan na ‘tong mahirap na ‘to,” sabay turo ni Nena sa sarili, “Itong basura at may tatay na preso na ‘to, balang araw kakailanganin mo rin ang tulong ko. At kung ayaw niyong makigrupo sa amin, ayos lang. Kaya namin ‘to ni Devine.”
Natahimik ang buong klase dahil sa gulat na sa wakas ay nagsalita rin si Nena. Sa wakas ay nasabi rin niya ang mga bagay na noon pa sana niya ginawa.
Binasag naman ng guro ang katahimikan at sinabing, “Class, ito lang ang masasabi ko, final na ang desisyon ko kung anong grupo kayo, dun kayo. At kung ayaw niyong sumama sa mga ka-grupo niyo, well, madali lang naman magbigay ng bagsak na grado ”
“Ano po bang project yan ma’am?” tanong ni Denver, ang pilyo sa klase.
“Kailangan niyong maghanap ng kagubatan at kung ano man ang makita niyong kakaiba ay gawan niyo ng kwento o tula,” sagot na muli ni Ginang Vergara.
“Wow, exciting!” malakas na sagot ni Rachelle, ang adventurer ng klase.
“Oo, exciting talaga ‘yan, mga anak, kaya pumunta na kayo sa mga ka-grupo ninyo at nang mapag-usapan niyo ang mga dapat at kailangan niyong gawin,” paalala ng guro.
Nagsipuntahan na nga ang mga magkakaklase sa kani-kanilang mga kagrupo. Wala na ring nagawa sina Anastasha kundi ang makipagkaisa sa proyekto.
Nang dumating na nga ang araw na kanilang pinakahihintay, nagtungo ang grupo nina Nena at Anastasha sa pinakatanyag na gubat sa kanilang bayan. Ayon sa librong kanilang nabasa ay maraming matatayog na puno at magagandang bulaklak doon. Ngunit ikinagulat nila ang kanilang nakita dahil taliwas ito sa kung ano ang nakasulat sa libro. Halos wala nang nakatayong punong kahoy doon. Wala na rin silang makitang kahit isang hayop.
“Nena, akala ko ba ang pagtatanim ng mga punla ang hanap buhay niyo? Eh, ano ‘to? Bakit ganito? Kayo siguro ang may kagagawan nito. Napakawalang utak niyo talaga, ang dapat sa inyo eh nakakarma,” pagalit na sambit ni Anastasha kay Nena.
“Tasha, wala kaming alam dito. Ang tanging ginagawa lang namin ay ang magtanim ng mga punla, hindi lang upang kami ay kumita kundi nais din naming makatulong sa kalikasan. Bakit ganito dito? Bakit hindi mo itanong sa papa mo?” sagot naman nito.
“Huwag ka nang magkaila, Nena. Eh ‘di ba nga kaya nasa kulungan ‘yung tatay mo dahil sa pagpuputol niya ng mga puno. Eh anong malay namin kung ang mga tito mo naman ang may kagagawan nito,” sabi naman ni Mich.
“Alam niyo andami niyong satsat. Sana nga makarma ang mga may kagagawan nito eh, para magkaalaman na,” naiinis namang sabi ni Devine.
Matapos bitawan ni Devine ang linyang ‘yun ay bigla na lamang yumanig at gumuho ang lupa sa kinatatayuan ni Anastasha. Dahil sa takot nina Mich at Devine ay hindi na nila namalayan ang pagtakbo nang mabilis papalayo sa pinangyarihan ng insidente.
Nagulat naman si Nena sa sobrang lakas ng hiyaw at paghingi ng saklolo ni Anastasha, at doon niya nakitang nasa bingit na ng kamatayan si Tasha. Kaya naman dali-dali itong kumuha ng tali na malapit sa kanya upang matulungan ang dalaga. “Tasha, kumapit ka nang maigi! Huwag kang bibitiw! Tatagan mo lang ang loob mo. Andito lang ako para sa ‘yo,” pasigaw na sabi ni Nena.
“Nena,” iyak ni Tasha. “Tulungan mo ako, please! Ayaw ko pang mamatay. Pangako, magpapakabait na ako sa ‘yo,” nagmamakaawang sabi ng dalaga.
“Huwag ka munang mag-isip nang kung anu-ano diyan. Magfocus ka lang sa paghawak sa tali. Ang importante ngayon ay ang makaahon ka diyan,” sagot naman nito.
Sa mga oras na iyon ay bakas sa mukha ni Nena ang matinding pagod at hirap sa pag rescue kay Tasha, ngunit mas alintana ang labis na pag-aalala nito para sa dalaga. Samantalang mababakas naman ang matinding takot sa mukha ni Tasha at sa mga oras na iyon niya napagtanto na kahit ano palang pagpapahirap at pang-aalipusta ang ginawa niya kay Nena ay siya rin pala ang makakatulong sa kanya.
Makalipas ang halos kalahating oras sa ganong sitwasyon ay sa wakas nakaahon na rin si Tasha.
“Salamat po, Panginoon,” mahinahong sabi ni Nena sabay yakap sa iyak nang iyak na si Tasha. “Ayos ka lang ba?”
“Nena, thank you so much. Hinding hindi ko makakalimutan ang kabutihang ginawa mo para sa akin. Utang ko ang buhay ko sa ‘yo,” taos-puso na sabi ng dalaga.
“Ano ka ba huwag mong isipin yan. Ang mahalaga ay ligtas ka,” mahinahon naman nitong sagot.
“Nena sorry, sorry sa lahat ng nagawa ko sa ‘yo. Sorry sa lahat ng nagawa ng pamilya ko sa inyo. Kaya ko lang naman nagagawa ang mga bagay na hindi dapat sa ‘yo ay dahil natatakot ako. Pero maniwala kang nakokonsensya ako sa mga pinaggagagawa ko dahil alam ko ang lahat. Narinig ko si Papa nung araw na ipinakulong niya si Tito. Alam kong iligal ang aming hanapbuhay na pagtotroso. Pero panahon na siguro upang malaman mo ang katotohanan.
“Bago mangyari ang araw na ‘yun, pumunta si ito Berto sa bahay upang makipagkasundo kay papa. Napag-usapan nila na si Tito Berto ang magpapahuli ngunit bilang kapalit ay kailangan ni papang sagutin ang pag-aaral mo hanggang sa makapagtapos ka sa kolehiyo,” paliwanag ni Tasha.
“Huh? Ano? Saglit, naguguluhan ako.” Hindi makapaniwala si Nena sa mga sinabi ni Tasha dahil taliwas ito sa alam niya.
Biglang may sumigaw, “Nena, anak!”
“Nay! Bakit, anong nangyayari? Hindi ko maintindihan,” nagtataka nitong tanong sa kanyang ina.
“Anak, totoo ang lahat ng narinig mo. Maniwala kang kapakanan mo lang ang inisip ng tatay mo. Patawad, anak, kung naglihim kami sa ‘yo,” paliwanag naman ng kanyang ina, kaya naman tumakbo ng mabilis si Nena na parang wala sa kanyang sarili at sinundan naman ito ng kanyang ina.
“Tasha, anak!” biglang litaw ng ina ni Tasha. We’re very sorry, anak. Kasalanan namin ‘to ng papa mo. Buti na lang nandiyan si Nena na tumulong sa ‘yo,” aniya.
Niyakap ni Tasha ang ina habang umiiyak. “Mama, muntik na akong mawala sa inyo ni Papa. Siguro naman sapat nang dahilan ‘yun para itigil niyo na ang pagpuputol ng mga kahoy sa gubat. Please, Ma!” pagmamakaawa nito sa ina.
“Oo anak,” tugon ni Ginang Dela Rosa. “I promise, from now on, we will no longer cut down trees,” pangako nito.
Nagtagumpay nga si Mrs. Vergara sa kanyang layunin na pagbatiin ang apat niyang estudyante lalo na sina Nena at Tasha. Mula noon ay naging matalik na magkaibigan na ang dalawang Pamilya. Nakalaya na rin si Mang Berto sa kulungan ngunit kinailangan pa ring makulong ni Mang Rosendo ng tatlong taon bilang kabayaran sa nagawang kasalanan. Itinigil narin ng Pamilya Dela Rosa ang iligal na pagtotroso sa gubat. Samakatuwid ay tumutulong na lang silang magtanim ng mga punong kahoy sa mga kagubatan at nakipag-sosyo sa negosyong pagtatanim ng mga punla sa Pamilya Dimagiba.
—
Forest Foundation Philippines, in partnership with Edukasyon.ph, its grantee, implemented the Best Friends of the Forest Movement (#BFFMovement) Online Fellowship Program to support young forest advocates in the country's most critical forest landscapes - Sierra Madre, Palawan, Samar and Leyte, and Bukidnon and Misamis Oriental. Through the program, students were given access to learning resources, mentorship opportunities, and platforms to showcase their passion projects. This published material is a passion project of our Best Friend of the Forest. The views and opinions expressed in this material are those of our Best Friend, and do not necessarily reflect the views and opinions of Forest Foundation Philippines and Edukasyon.ph. Furthermore, both Forest Foundation Philippines and Edukasyon.ph assume no liability or responsibility for any inaccurate or incomplete information presented in this material.