Deadline ng Pagpasa: May 21, 2025
I. Konteksto at Mga Layunin
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa buong mundo na pinaka-nanganganib dahil sa pagbabago ng klima (climate change). Dahil daanan ito ng mga bagyo at bahagi ng Pacific Ring of Fire, madalas na nakararanas ang Pilipinas ng mga kalamidad tulad ng pagbaha, malalakas na bagyo, tagtuyot, at pagguho ng lupa. Upang malampasan ang mga ito at umunlad sa harap ng krisis sa klima, kailangang patuloy na palakasin ng Pilipinas ang kakayahang nitong maging matatag sa pagbabago ng klima (climate resilience) sa isang komprehensibong paraan, kasama ang climate mitigation at adaptation.
Ang pag-aangkop sa pagbabago ng klima (climate adaptation) ay mahalaga para magbago ang anyo ng pamumuhay ng mga Pilipino, upang palakasin ang kakayanang mag-adapt at makamit ang sustenableng kaunlaran (sustainable development). Ang pagsisikap na mag-adapt ay dapat nakabatay sa mas malalim na pag-unawa sa mga epekto ng climate change, sa pagpapalakas ng kakayahang umangkop, at sa pagpapatatag ng suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga polisiya at iba pang tulong, at pagsisiguro ng inklusibong partisipasyon, lalo na ng mga kababaihan at mga lokal na komunidad.
Upang tugunan ang mga hamon sa pag-unlad na kinakaharap ng isang bansang mayaman sa samu’t saring buhay o saribuhay (biodiversity), isinasagawa ng Forest Foundation Philippines (“Forest Foundation” o “ang Foundation”), sa tulong ng pondo mula sa Gobyerno ng Canada, ang Philippines-Canada Partnership on Nature-based Solutions (NbS) for Climate Adaptation (PCP4NbS) (“ang Programa”). Tatakbo ang Programa mula 2024 hanggang 2028, at nagkakahalaga ng CA $8 Million (PhP 332 Million). Nilalayon ng Programa na mag-ambag sa pagpapalakas ng climate resilience ng mga komunidad, lalo na ang mga lokal at katutubong kababaihan sa kanayunan, habang tinitiyak ang mga benepisyo mula, at para, sa likas na yaman at malulusog na ekosistema.
Batay sa mga gabay na prinsipyo ng Global Standard for Nature-based Solutions ng International Union for Conservation of Nature (IUCN), partikular na nilalayon ng programa ang biodiversity conservation (pangangalaga ng saribuhay), climate adaptation (pag-angkop sa pagbabago ng klima), at pagtitiyak ng pagtugon sa iba’t ibang kasarian (gender-responsiveness) sa pamamahala ng likas yaman (natural resource management).
Sisiguruhin ng Programa na maisagawa ang mga nature-based solutions, o solusyong nakabatay sa kalikasan, sa mga napiling target na lugar, at na magbunga ang mga ito nang naaayon sa Logic Model ng Programa (Figure 1).
Figure 1. Logic Model ng PCP4NbS
II. Special Fund para sa NbS
Upang suportahan ang sama-samang pag-unlad, implementasyon, at pagpapahusay ng mga proyektong NbS para sa climate adaptation, bumuo ng isang Special Fund sa ilalim ng PCP4NbS. Layunin ng Special Fund na ito na:
- Palakasin ang kapasidad at/o kakayahan ng mga kababaihan at komunidad sa pagbuo at pagsasagawa ng mga NbS na may kaakibat na benepisyo para sa saribuhay (biodiversity co-benefits);
- Siguruhin ang partisipasyon ng kababaihan at mga komunidad sa pagprotekta, pagpapabuti, at pagpapanumbalik ng mga ekosistema at saribuhay;
- Protektahan at mas palakasin ang saribuhay na nagbibigay ng sari-saring serbisyo at produkto sa ating mga ekosistema.
Ang pagbubuo at pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Special Fund para sa NbS ay dapat alinsunod sa Results Framework 2023-2027 ng Forest Foundation Philippines, habang pinapalawak ang saklaw nito mula sa sustenableng pamamahala ng kagubatan, hanggang sa ekosistema sa baybayin at dagat (coastal at marine ecosystems), at pagtataguyod ng aksyon pang-klima na nakabatay sa kalikasan (nature-based climate action). Susuporta ang pondo sa mga proyektong maaaring magtatag ng mga pang-malawakang estratehiya na may partisipasyon at koordinasyon, para siguruhin na matutugunan ng Programa ang iba’t ibang pangangailangan sa lokal, habang nag-aambag din sa mga nasyonal na target.
Susuportahan ng Special Fund ang tatlong klase ng grant o pondo para sa mga proyekto: 1) Site-based grants o pondo para sa pagsasagawa ng NbS sa takdang lugar; 2) Thematic grants o pondo para magpakita o mag-demonstrate ng NbS; at 3) Public support grants o pondo para mapanatili ang suporta ng publiko para sa NbS. Ang Request for Proposals na ito ay tungkol sa aplikasyon o proposal para sa Thematic Grants.
III. Thematic Grants: Geograpikong Saklaw at Prayoridad
Ang mga Thematic Grants ay maaaring mag-pondo ng mga proyektong NbS sa mga erya o lugar sa Pilipinas na mayaman sa saribuhay at may kahinaan (vulnerability) sa epekto ng climate change, na sila ring may layuning tumugon sa mga hamon sa lipunan, may kaakibat na benepisyo para sa saribuhay, at nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian (gender equality) sa pamamahala ng likas yaman (natural resource management).
Bibigyang-prayoridad ng Programa ang mga proposal para sa mga proyektong NbS na nakabatay sa mga pagsusuri o baseline assessment. Kasama na rito ang mga pag-aaral tungkol sa mga kahinaan at mga banta o panganib (vulnerability and risk) na dulot ng climate change at iba pang isyung pangkalikasan, pag-aaral tungkol sa saribuhay (biodiversity), at pag-aaral tungkol sa pagkakapantay-pantay ng kasarian (gender-based analyses).
IV. Thematic Grants: Mga Gawaing Maaaring Pondohan
Ang bawat proposal para sa Thematic Grant ay dapat na may halagang PhP 1 Million hanggang PhP 4 Million, na isasagawa sa loob ng dalawang (2) taon, mula July 2025.
Susuportahan ng Thematic Grants ang mga proyektong nagpapakita o nagde-demonstrate ng NbS para sa climate adaptation, sa pamamagitan ng mga insiyatiba tulad ng pagpapababa ng mga panganib (integrated risk management), panunumbalik ng ekosistema (ecosystem restoration), at pagpapanatili ng saribuhay (biodiversity conservation). Dapat na maisulong ng mga gawaing ito ang disaster risk reduction o pagbabawas ng panganib mula sa mga sakuna, at ang sama-samang pagprotekta, pamamahala at pagpapabuti ng mga ekosistema sa kagubatan, baybayin, at karagatan, na nagbibigay ng sari-saring produkto at serbisyo sa tao.
Bibigyang prayoridad ng RFP na ito ang mga panukalang NbS na tutok sa pangangalaga at pagprotekta ng ekosistema sa baybayin at dagat (coastal at marine ecosystems).
Kasama ng mga nabanggit na interbensyon, ang mga proposal ay maaari ring isama ang mga sumusunod o katulad na aktibidad bilang suporta sa NbS, habang binibigyang prayoridad ang NbS at sinisigurong magkaugnay ang mga gawaing ito:
- Pagbuo at pagkakaroon ng sari-saring mga gender-responsive na negosyong pangkomunidad at sustainable livelihoods, at tuloy-tuloy na kabuhayan, alinsunod sa paraan ng pagprotekta sa saribuhay;
- Mga aktibidad ng pagsasalehitimo at pagrerehistro ng mga organisasyon at grupong pangkomunidad at mga indibidwal na kasapi;
- Pangkomunidad na pagpapatupad ng batas upang mapangalagaan ang kabundukan at dalampasigan/karagatan (hal., pagpapatrolya, mga kagamitan at kasangkapan);
- Mga lokal na pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang sektor at pagpapalakas ng mga samahan; at/o
- Pagpapalakas sa komunidad at kasarian na mahalaga sa proteksyon ng mga ekosistema.
Hinihikayat din ang mga proponent na lumikha ng mga proyekto na umaayon sa mga lokal/pangkomunidad na plano at balangkas, at isasaalang-alang din maging ang mga proyektong naipatupad na sa lugar.
V. Thematic Grants: Mga Maaaring Tumanggap ng Pondo
Bukas ang Thematic Grants sa lahat ng interesadong mga proponent o magsasagawa ng proyekto sa anumang bahagi ng Pilipinas. Kasama sa maaaring mag-aplay para makatanggap ng pondo mula sa Programa ay:
- Non-government organizations (NGOs) na aktibo sa Pilipinas, at kasama sa pangangalaga sa kalikasan, pag-unlad, edukasyon, siyentipikong pananaliksik, pamamahala ng mga ekosistema, pagkakapantay-pantay ng kasarian, at/o iba pang kaugnay na larangan. Ang mga NGO na ito ay mga organisadong grupo na rehistrado sa ilalim ng batas ng Pilipinas;
- Organisado, rehistrado, at/o kinikilalang mga samahan o community-based organizations, people’s organizations (POs), indigenous peoples organizations (IPOs) at/o mga samahang nagtataguyod ng karapatan ng mga kababaihan at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian na aktibo sa larangan ng kalikasan at kaunlaran; at
- Iba pang mga angkop na lokal o rehiyonal na samahang aktibo sa Pilipinas.
Maaaring maghain ng iisang proposal para sa pinagsanib na mga proyekto ng isang samahan, o ilang mga samahan na bumubuo ng isang consortium o grupo, na may pinag-kasunduang layunin para sa kalalabasan ng proyekto, para suportahan ang mga conservation agreement, o batay sa lokal na plano sa kaunlaran (local development plans).
Bibigyang-prayoridad ang mga women’s rights organizations, o mga samahan na nagsusulong ng karapatan ng kababaihan at pagkakapantay-pantay.
Hinihikayat ang mga proponent na magbigay patunay ng pakikipag-ugnayan ng panukalang proyekto sa komunidad kung saan isasagawa ang proyekto, bilang kumpirmasyon ng suporta; at magbigay patunay ng pakikipag ugnayan sa lokal na ahensya ng gobyerno o LGU.
VI. Thematic Grants: Proseso ng Aplikasyon
Upang mag-aplay para sa Thematic Grant, dapat kumpletuhin ng mga aplikante ang mga dokumento na nakalista sa ibaba:
Mga Kinakailangan para sa mga Proposal o Aplikasyon ng Proyekto
Buong Proposal | ✓ |
Annex A: Timeframe at Budgetary Requirements | ✓ |
Annex B: Activity at Budget Plan | ✓ |
Annex C: Proponent Information Sheet (Impormasyon ng Aplikante) | ✓ |
Ang buong proposal at iba pang mga template ay maaaring i-download mula sa Grants Portal sa Forest Foundation website, mula sa link na ito, at pwedeng i-request sa pamamagitan ng pag-email sa pcp4nbs@forestfoundation.ph.
Ang kumpletong mga panukala o proposal ay dapat na i-upload at isumite sa Grants Portal bago o sa takdang 5:00 nang hapon (Philippine Time) sa May 21, 2025.
VII. Thematic Grants: Pagsusuri at Pag-apruba ng mga Proposal
Susuriin ang bawat proposal para matiyak ang pagka-angkop (merit) at kabuuan ng disenyo at mga teknikal na aspeto nito. Ang mga proposal na pasok sa mga pamantayang ito ay iaakyat sa Program Committee ng Foundation, na magsusumite ng kanilang rekomendasyon sa Board of Trustees (BOT).
Ang mga proyekto ay dapat magbuklod ng mga aspetong biodiversity-climate-gender at maging alinsunod sa mga inaasahang resulta at prayoridad ng Programa. Susuriin ang kabuuan ng proposal ayon sa: a) pagiging sapat o angkop sa mga pangkalahatang pamantayan at pagtugon sa Logic Model ng Programa (tignan sa Figure 1); b) mga pamantayan na tukoy NbS; at c) iba pang pamantayang sumusuporta sa NbS.
Dapat matugunan ng mga proposal ang mga pangkalahatang pamantayan at malinaw na maipakita na ang proyekto ay NbS. Ang mga pamantayan naman sa sumusuporta sa NbS ay hindi kinakailangan, pero maaaring magpalakas ng proposal.
Kailangan matugunan ng panukalang proposal ang mga sumusunod na pangkalahatang pamantayan:
- Pagka-angkop ng at kakayanan sa teknikal na aspeto (technical soundness and feasibility);
- Pagka-angkop ng at kakayanan sa pinansyal na aspeto (financial soundness and feasibility);
- Pagka-angkop sa aspetong panlipunan at katanggap-tanggap (social soundness and feasibility);
- Kapasidad ng samahan na isagawa ang proyekto;
- Malinaw ang bunga at resulta, at may mataas na posibilidad na makamit (magagawa at matutupad sa loob ng takdang pondo at panahon); at
- Kahanay sa mga inaasahang resulta (output at outcome) ng Logic Model ng Programa (tingnan ang Figure 1).
Kailangang maipakita ng proposal na ang proyekto ay isang nature-based solution, sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong:
- Tumutugon ba ang proyekto sa mga lokal na pangangailangan sa climate adaptation?
- May direktang ambag ba ito sa pagpapanumbalik, pamamahala, at/o pag-iingat ng mga ekosistema o serbisyo mula rito?
- Naglalayon ba itong tumugon sa mga hamong panlipunan, higit pa sa pangangalaga ng kalikasan?
- Nagbibigay ba ito ng kaakibat na benepisyo sa saribuhay?
- Sinusulong ba nito ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian (gender equality) sa pagdisenyo at sa pagsasagawa ng proyekto?
Maaaring mapalakas ang proposal kung sinasagot nito ang mga sumusunod na tanong, na naglalarawan ng mga aksyong sumusuporta sa NbS. Ito ay opsyonal.
- Sumusuporta ba ang proyekto sa pagpapalago ng pangkabuhayang tumutugon sa pagkakapantay-pantay o mga sustenableng negosyong pampamayanan, na naka-ayon sa proteksyon ng saribuhay?
- Tinutulungan ba ng proyekto na patatagin ang mga organisasyon at hikayatin ang pakikipagtulungan sa pagitan ng iba’t ibang sektor?
- May ambag ba ang proyekto sa pagpapalakas ng komunidad at pagsulong ng pagkakapantay-pantay (gender empowerment) sa lugar?
- Sinusuportahan ba ng proyekto ang transdisiplinaryong pagbabahagi ng kaalaman (mula sa iba’t ibang disiplina, higit pa sa akademya), estratehikong komunikasyon, at/o mga mekanismo at proseso ng pagkatuto upang bumuo ng kakayahan sa NbS tungo sa makabuluhang pagbabago?
- Nilalayon ba ng proyektong ang iba pang mga pamantayan ng IUCN Global Standard for NbS?
Ipababatid ng Foundation sa publiko ang mga napiling proyekto. Kapag naaprubahan na ang isang proposal, ang Foundation ay papasok sa isang legal na kasunduan o Special Fund Agreement kasama ang tagapagpatupad ng proyekto/grantee.
VIII. Timeline
Para sa yugtong ito ng mga proposal para sa Thematic Grants, tandaan ang iskedyul na nasa ibaba:
Panahon (Timeline) ng Pagpasa at Pagsuri ng Proposal
Activity | Schedule |
First Request for Proposals (Pagpapabatid) | April 21, 2025 |
Virtual Information Session(s) | April 30, 2025 |
Project Development Workshop(s) (Pagsasanay sa Pagbuo ng Proyekto) | April to May 2025 (kung kinakailangan) |
Deadline para sa mga Teknikal na Katanungan | May 2, 2025, 5:00 pm (PHT) |
Deadline ng Pagpasa ng Proposal | May 21, 2025, 5:00 pm (PHT) |
Pagsusuri ng mga Proposal | May 2025 to June 2025 |
Pagpapasya ng BOT | June 2025 |
Pagpapahayag ng mga Resulta | June 2025 to July 2025 |
Pagsisimula ng Pagpapatupad ng mga Proyekto | Simula July 2025 |
Magsasagawa ng mga virtual information session, o mga online na pagpupulong para sa karagdagang impormasyon tungkol sa sakop ng Thematic Grants, ang mga klase ng proyekto na maaaring suportahan, ang proseso ng aplikasyon, atbp. Ang mga pagpupulong na ito ay pwedeng daluhan ng lahat ng interesado. Kung kinakailangan, magsasagawa ng Project Development Workshops para magbigay ng teknikal na suporta sa proseso ng aplikasyon, at para pagbutihin pa at palakasin ang mga proposal para mas malaki ang tsansang masuportahan ito.
Maaaring mag-email sa Foundation (pcp4nbs@forestfoundation.ph) kung kinakailangan ng tulong sa pagbuo ng proposal. Ang mga teknikal na katanungan, o mga tanong na may kinalaman sa pagsusuri at pag-apruba ng mga proposal sa Seksyon VII, ay tatanggapin lamang hanggang 5:00 ng hapon (Philippine Time) sa May 2, 2025.
Lahat ng mga proposal ay dapat maisumite sa Grant Portal (grants.forestfoundation.ph) nang hindi lalampas sa 5:00 ng hapon (Philippine Time) sa May 21, 2025. Ang mga proposal na matatanggap pagkatapos ng deadline ay maaaring bigyang konsiderasyon batay sa natitirang pondo, at/o isama at suriin sa ilalim ng susunod na RFP.
IX. Contact
Philippines-Canada Partnership on Nature-based Solutions (NbS) for Climate Adaptation (PCP4NbS)
Forest Foundation Philippines
1F Valderrama Bldg., 107 Esteban St., Legaspi Village
1229 Makati City, Philippines
PCP4NbS Phone: (+63 2) 8716 4067
Forest Foundation Phone: (+63 2) 8891 0595; (+63 2) 8864 0287
Forest Foundation Website | PCP4NbS Website l Grant Portal
Facebook | Instagram | Youtube | X
Email: pcp4nbs@forestfoundation.ph