MACATUMBALEN, San Vicente, Palawan – Ang bayan ng San Vicente sa hilagang-kanlurang bahagi ng Palawan ay isa sa mga umu-usbong na tourist destinations sa bansa. Kilala ang San Vicente sa kanyang Long Beach, na sinasabing ang pinakamahabang na white sand beach sa Pilipinas. Ngunit ang hindi alam ng marami, ang San Vicente ay mayroon ding malawak na kagubatan, na posibleng nagtataglay ng iba’t ibang uri ng mga katutubong hayop at halaman, at ito rin malapit sa mga biologically important and protected regions sa Palawan.
Ang Macatumbalen Community-Based Forest Management Association (MCBFMA), na nakabase sa Sitio Macatumbalen sa Poblacion ng San Vicente, ay isang asosasyon na itinatag noong dekada nobenta na layuning protektahan ang lokal na ekosistema at pamahalaan ang ibat-ibang uri ng likas-yaman sa kagubatan ng San Vicente. Noong 2002, pormal na iginawad sa MCBFMA ang pamamahala sa humigit-kumulang na 1,800 ektarya ng kagubatan.
Sabi ni Nida Collado, ang Chairman ng CBFM, ang pangunahing layunin ng pagtatag ng organisasyon ay ang pagpapaunlad ng kabuhayan at pagkakakitaan sa kanilang komunidad. Ayon sa kanya, ang naging pundasyon ng pagtatag ng Macatumbalen CBFM Association ay ang layunin ng kanilang komunidad na siguruhin ang pangmatagalang suplay para sa kanilang produksyon ng mga handcraft na gawa sa rattan at pati na rin ang interes sa pag-gamit ng iba pang mga di-trosong produktong gubat o non-timber forest products bilang alternatibong pinagkukunan ng kita.
“Kasi kung aabusohin mo yung pag-gather ng rattan, aabusohin mo yung pag-gather ng honey na hindi sustainable, maubos din yun. So dapat, nasa tamang proseso ang lahat na gagawin sa loob ng forest. Kung matatandaan ko nung araw, yung kauna-unahang ginawa naming sa pamagitan ng rautan handicraft, since 1997, naisip ng Purok Chairman na dapat ma-sustain ang produkto, dapat merong nung legal organization yung livelihood na yan. So nai-register at naka-avail ng CBFM para sa magagamit sa handicraft, doon talaga kami nag-start,” sabi ni Collado.
Bukod sa pagiging pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan, binigyang-diin din ni Collado na ang CBFM ay nag-aambag din sa pangangailangan sa pagkain ng mga residente ng Macatumbalen at nagsisilbing isang mahalagang pinagkukunan ng tubig para sa lokal na komunidad.
“Kailangan din namin proteksyonan sa pamagitan ng aming programang CBFM ang ecosystem, kasi dyan kami kumukuha ng fresh water, fresh air, at dapat masulitan namin ng pagtatanim at pangangalaga ito para hindi ito masira, dahil dyan din kinukuha, yung food namin.”
Sa kasalukuyan, aktibong nakikilahok ang asosasyon sa pagprotekta sa kalikasan at pangangalaga sa ekosistema sa bayan ng San Vicente, sa pamamagitan ng pagpipigil sa ilegal na pagputol ng mga punong-kahoy at paninirahan sa lupang sakop ng kanilang CBFM. Bukod dito, nakikilahok din ang asosasyon sa mga aktibidad tulad ng paglilinis ng baybayin at pagtatanim sa mga bakawan, na nagpapakita lamang ng kanilang dedikasyon sa mas malawakang pangangalaga sa kalikasan bukod pa sa pamamahala ng kanilang CBFM. Dahil sa dedikasyon na ito, ang MCBFMA ay nabigyan na ng pambansang pagkilala sa kanilang mga aktibidad sa pa-konserba ng kagubatan.
“Ang kasalukuyan po na tinututukan ng CBFM ay yung pagpoprotekta sa kalikasan at pangangalaga doon sa mga puno. Kasi po kung hahayaan natin yung gubat na hindi natin talaga ma-proteksyonan yung mga puno, tuloyan nang masisira po yung gubat, at wla na po tayong mga puno na magikita,” sabi ni Salvador Yayen, ang kasalukuyang kalihim ng asosasyon, nang tanungin tungkol sa kasalukuyang mga aktibidad ng CBFMA.
Ipinagmamalaki ng asosasyon ang kanilang papel bilang huwaran para sa maraming iba pang CBFM at grassroots na organisasyon sa Palawan at sa iba pang mga lugar sa bansa dahil sa kanilang epektibong pangangasiwa sa kagubatan. Ang kwento ng tagumpay ng CBFMA ay pinagmumulan ng inspirasyon para sa maraming pang organisasyon. Dahil dito, ang Macatumbalen CBFMA ay madalas na binibisita ng iba’t ibang mga grupo upang pag-aralan ang sustenableng pangangasiwa sa iba’t ibang uri ng likas na yaman.
“Ang sabi ng ibang region, dito lang daw nila nakita ang tamang proseso ng honey [production], na na-share naming. Hindi ko naman nakalain na may [organizations] sa Region 4A, na appreciate nila yung marami raw silang nakitang forest, sa Macatumbalen lang ang napakalinis na forest na nakita nila walang kalat na basura” said Collado.
Pinuri ni Collado ang partisipasyon ng organisasyon sa proyektong ASSERT-CBFM na ayon sa kanya as isa sa mga nagtulak sa MCBFMA patungo sa pagkilala ng kanilang mahusay na pangangalaga sa kagubatan. Ayon kay Collado, ang kanilang tagumpay ay nagsilbing inspirasyon, kung kaya’t maraming mga People’s Organizations (POs) sa buong Pilipinas ang nagnanais na gayahin ang kanilang mga tagumpay. Idinagdag niya na nagbukas ang proyekto ng mas maraming oportunidad para sa asosasyon.
“Maraming kaming oportunidad na nakuha dahil sa ASSERT-CBFM. Hindi lang sa negosyo, hindi lang sa pondo kundi marami pa. Narating na namin ang antas [naming ngayon], kasi nagsikap talaga kami nung makilala kami ng ASSERT-CBFM kasi na-inspire kami, so hanggang marating namin ang antas ng national awardee kasi na-inspire talaga kami at nakilala talaga kami ng gusto,” sabi ni Collado habang ibinabahagi ang mga kamakailang parangal ng organisasyon, lalo na ang Philippine Resilience Award.
Sa patuloy na pagtahak ng MCBFMA sa landas na ito, inilahad ni Collado ang kanilang mga plano na palakasin ang proteksyon ng mga kagubatan at likas na yaman hindi lamang sa kanilang CBFM site, kundi sa buong San Vicente. Binigyang-diin niya na ang adbokasiyang ito ay nangangailangan ng mas malakas na kooperasyon sa mga institusyon ng gobyerno at mga non-government organizations, upang lalong patibayin ang mga regulasyon at palaganapin ang kamalayang pang-konserbasyon.
“Kung hindi na natin proteksyonan ang forest, yung mga open access ng timberland, kayang bayaran ng mayayaman, ano ang mangyayari sa ating klima? Kaya yun ang goal ko [i-support] sa batas. ngayon we are moving for funding para maitakbo na yung polisiya ng CBFM”
Bukod dito, ang asosasyon ay patuloy na sumusuri ng mga paraan upang lalo pang palakasin ang iba’t-ibang uri ng kabuhayan para sa kanilang mga miyembro. Kasama rito ang pagsasaliksik sa mga aktibidad sa labas sa kanilang mga nakasanayang gawain tulad ng pagpapaunlad ng mga value-added na produkto, mapa-kasangkapan man o kagamitan, na magbibigay ng dagdag na oportunidad sa kanilang ekonomiya.
Kinikilala rin ng MCBFMA ang kahalagahan ng kanilang halimbawa, kaya’t nananatili silang tapat sa pagbibigay-inspirasyon at pagpapahalaga sa iba pang mga komunidad sa pamamagitan ng patuloy na pagiging modelo ng matagumpay na pangangalaga sa kagubatan at likas na yaman.